Bolts iniligwak ang Tigers para sa huling semis slot

MANILA, Philippines - Tuluyan nang kinuha ng Bolts ang pang anim at huling semifinals ticket.

 Ito ay matapos payukurin ng Meralco ang Po­werade, 94-86, sa kanilang playoff game sa 2012 PBA Governors Cup kagabi sa Smart-Araneta Coliseum.

Nalampasan ng Bolts (5-5) ang paghahamon ng Tigers sa dulo ng fourth quarter para makasama sa semifinals ang Rain or Shine (8-1), B-Meg (6-3), Talk ‘N Text (5-4), nagdedepensang Petron Blaze (5-4) at Ginebra (5-4).

Mula sa 44-45 agwat sa first half, isang 23-9 atake ang inilunsad nina import Mario West, Mac Cardona at Asi Taulava para ibigay sa Meralco ang isang 13-point lead, 67-54, sa 3:32 ng third period at muling iniwanan ang Powerade sa 76-63 sa 10:20 ng fourth quarter.

Huling nakalapit ang Tigers sa 86-90 agwat sa 1:32 ng laro sa likod nina import Omar Sneed at Gary David bago kasunod ang basket ni West at hook shot ni Cardona matapos ang mintis na three-point shot ni Sneed na naglayo sa Bolts sa 94-86 sa natitirang 36.5 segundo.

 Samantala, inaasahan namang ipaparada ng Petron si Marcus Faison sa kanilang laban ng Rain or Shine (8-1) sa pagsisimula ng carry-over semifinals bukas sa Ynares Sports Center sa Antipolo City. 

Meralco 94 - West 26, Cardona 24, Hugnatan 14, Mercado 10, Reyes 6, Taulava 6, Macapagal 4, Ross 2, Artadi 2, Bulawan 0.

Powerade 86 - Sneed 29, David 22, Casio 9, Salvador 7, Anthony 6, Guevarra 4, Tugade 4, Adducul 3, Belasco 2, Martinez 0, Lingganay 0, Vanlandingham 0.

Quarterscores: 18-25, 44-45, 69-60, 94-86.

Show comments