MANILA, Philippines - Aalis bukas si Mark Anthony Barriga patungong Cardiff, Wales upang sumailalim sa pre-Olympic Games Training Camp na handog ng London Organizing Committee Olympic Games.
Makakasama ng 19-anyos na si Barriga ang coach na si Roel Velasco at mamamalagi na sila rito hanggang sa pasimulan ang Olympic Games sa Hulyo 27.
Kahit bata pa at kulang sa karanasan ay nananabik na si Barriga na mapalaban kontra sa pinakamabibigat na boksingero sa Olympics.
“Hindi ko iniisip ang pressure. Basta ako laban lang at bawat laban ko ay tinitingnan ko na laban para sa Olympic gold medal,” wika ni Barriga.
Hindi na tumigil sa pagsasanay si Barriga mula nang nalaman na nakapasok siya sa London matapos mapabilang sa unang sampung boksingero sa light flyweight division sa idinaos na World Amateur Boxing Championships sa Baku, Azerbaijan noong Oktubre.
“Ang priority sa pagsasanay namin ay ang palakasin ang aking stamina at baguhin ang aking technique. Malaki ang tulong ng karanasan ni coach Roel sa Olympics dahil itinuturo niya sa akin ang mga suntok na pupuntos. Pinagtutuunan ko ay ang footwork, depensa at counter-punching,” dagdag nito.
Isang three-time Palarong Pambansa gold medalist, isa sa nais na makasukatan ni Barriga ay ang 31-anyos na si Zhou Shiming ng China na isang two-time gold medalist sa World Championships at Beijing Olympics gold medalist.
“Marami siyang karanasan kumpara sa akin pero may edad na siya. Napag-aralan ko na ang kanyang style at handa ako kung sakaling siya ang makatapat ko. Wala akong ipinapangako kundi bibigyan ko siya ng magandang laban,” pahabol pa ni Barriga.
Ang pamilya ang kanyang inspirasyon pero kasama rito ay ang P12 milyong gantimpala na ipinangako ni ABAP chairman Manny V. Pangilinan sakaling makuha niya ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympics.