Abueva humataw sa paggiba ng Stags sa Altas
MANILA, Philippines - Kumulekta ng triple-double performance si Calvin Abueva para tulungan ang San Sebastian Stags na kunin ang 80-65 panalo laban sa University of Perpetual Help System Dalta sa 88th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May 15 puntos, 15 rebounds at 11 assists ang nagdedepensang Most Valuable Player ng liga at pinagningas niya ang mainit na paglalaro sa second half tungo sa paglista ng ikalawang sunod na panalo matapos ang kabiguan sa kamay ng Letran sa unang asignatura.
Ang 3-point play na nasundan ng isang split ni Abueva ang nagtulak sa Stags sa 67-48 kalamangan bago ibinigay ni Bobby Balucanag ang pinakamalaking kalamangan sa laro na 71-57, may 6:05 sa orasan.
Si Ian Sangalang ay mayroong 23 puntos at 10 rebounds habang 16 at 15 puntos ang ibinigay nina Jovit dela Cruz at Michael Juico para sa balanseng pag-atake ng nagwaging team
Unang pagkatalo ito ng tropa ni coach Aric del Rosario sa tatlong laro at nasayang ang matinding laban na ipinakita ng Altas sa first half na kung saan naiwanan lamang sila ng isang puntos sa halftime, 35-34, nang naipasok ni Michael Vincent Juico ang isang buzzer-beater.
“I just told the boys to play smart and focus on making stops,” ani Stags coach Topex Robinson.
Tinabunan ang panalong ito ng kagila-gilalas na 171-14 tagumpay ng San Beda Red Cubs sa Lyceum Junior Pirates sa laro sa juniors.
- Latest
- Trending