Laglagan na
MANILA, Philippines - Dalawang koponan na nabigyan pa ng pagkakataon na manatiling buhay ang pangarap na masungkit ang titulo sa PBA Governor’s Cup ang magtutuos sa una sa dalawang magkasunod na playoffs na gagawin ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Ang Barako Bulls at Powerade Tigers ay magkikita sa ganap na ika-6:45 ng gabi at isa lamang sa kanila ang mananatiling nakatayo at siyang mabibigyan ng karapatan na hamunin ang nag-bye na Meralco Bolts sa isa pang do-or-die game bukas.
Pinaglalabanan ng Barako Bull, Powerade at Meralco ang ikaanim at huling puwesto na uusad sa semifinals matapos magtabla ang mga ito sa 4-5 karta sa pagtatapos ng single round elimination.
Tinalo ng tropa ni coach Junel Baculi ang bataan ni coach Ryan Gregorio, 81-79, pero dahil plus four ang Meralco kaya’t sila ang nag-bye sa unang playoff.
“Sayang we were up by 17 points but played not to lose and didn’t play to win. We have to go the long route. But we are a veteran team and I think they can handle it,” wika ni Barako Bull coach Junel Baculi.
Tinalo ng Barako Bull ang Tigers sa naunang pagkikita, 106-101, pero hindi nila puwedeng sabihin na madaling ulitin ang bagay na ito lalo pa’t nais din ng tropa ni coach Bo Perasol na pigilan ang paglasap ng maagang bakasyon.
Dapat ay nasa semifinals na ang Tigers pero minalas silang natalo sa huling tatlong laro para dumaan sa mas mahirap na ruta.
“Ito na ang huling pagkakataon namin at ilalaban namin ito,” pahayag ni Perasol.
Aasa ang Powerade sa husay nina Gary David, Joseph Evans Casio, Rabeh Al-Hussaini, Sean Anthony at import Omar Sneed habang sina import Mark West, Danny Seigle, Willie Miller, Mick Pennisi at Ronald Tubid ang babandera sa Barako Bulls.
Ang Rain or Shine (8-1), B-Meg Llamados (6-3),Talk N’Text (5-4), Petron Blaze Boosters (5-4) at Brgy. Ginebra (5-4) ang nasa semifinals na habang ang Air21 Express at Alaska Aces ang namaalam na sa 2-7 baraha.
- Latest
- Trending