Cordero, Romano PSA shootfest champions

MANILA, Philippines - Nadepensahan ni Abac Cordero ng Philippine Star ang kanyang titulo sa kala­lakihan habang bagong kampeon sa katauhan ni Virgie Romano ng Abante ang nanalo sa kababaihan sa idinaos na 2nd PSA Shooting Championship-Sen. Chiz Escudero Cup noong Biyernes sa Armscor Shooting Range sa Makati Cinema Square.

Kinapos ng isang puntos si Cordero upang pantayan ang 100 na naiskor no­ong nakaraang taon pero ang 99 na kinamada ay sapat na para talunin sina Musong Castillo ng Inquirer (95) at Elech Dawa ng Remate (94).

May 76 puntos naman si Romano para mangi­babaw kina Jasmine Payo ng Inquirer (66) at dating kampeon Kristel Satumbaga ng Bulletin/Tempo (65).

Mismong si Senador Escudero ang siyang naggawad ng mga papremyo at sa kanyang maikling pa­­nanalita, ay tiniyak niyang patuloy na itataguyod ang nasabing kompetisyon upang lumalim ang kaalam ng lahat sa tamang paghawak at pagputok ng baril.

Bago ang kompetisyon na binuksan para sa mga kasapi ng Philippine Sportswriters’ Association na pi­­nangungunahan ni Rey Bancod ng Tempo, isang 30-minutong refresher course ang pinangunahan ni Escudero kasama ang mga opisyales ng Armscor.

Ang shootfest na ito ay nangyari sa tulong na rin ng Philippine Basketball Association, myPhone, Adidas Action 3 at Harbour Centre bilang major sponsors.

Show comments