Manila, Philippines - Hindi napigil ng host Singapore ang nagbabagang laro ng Pilipinas sa huling yugto tungo sa 75-63 panalo sa pagpapatuloy ng 8th SEABA Under-18 Championship noong Huwebes sa Singapore.
Nagtala lamang ng 41% shooting (30 of 73) ang national U-18 team ni coach Olsen Racela pero binawi nila ito sa pagdodomina sa rebounding, 44-29, tungo sa 44-10 inside points.
Angat lamang sa 55-52 ang nationals na suportado ng Energen Pilipinas, papasok sa huling yugto pero sina Kent Lao at Rey Nambatac ay umiskor sa loob para pasiklabin ang 6-0 start tungo sa pagtangan sa 61-52 bentahe.
May walong puntos si Lao sa huling minuto para tumapos taglay ang 10 puntos habang si J-Jay Alejandro ay may 13 at si Nambatac ay naghatid ng 12 puntos at 5 rebounds. Si Michael Javelosa ay nagsumite ng 8 puntos at ganitong dami ng rebounds.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Pilipinas sa limang koponang torneo upang makapantay ang nagpahingang Indonesia sa itaas ng standings.
Sunod nilang kalaban ang Malaysia nitong Biyernes ng gabi habang ang Indonesia ang kanilang huling asignatura sa Sabado. Ang Singapore ay nalaglag sa 1-2 baraha.
“Competition is getting tougher but I know that the more time together,we will become better as a team,” wika ni coach Olsen Racela sa kanyang twitter.