Manila, Philippines - Kinapos si Antonio Gabica laban kay Lee He-wen ng China sa quarterfinals upang mamaalam na ang mga Filipino cue artist na naglaro sa 2012 World 9-Ball Championship sa Al Sadd Sports Club sa Doha Qatar.
Tinalo ni Gabica, ang 2006 Asian Games gold medalist na nilaro sa Doha, si Yang Ching Sun ng Chinese, Taipei, 11-7, at Mika Immonen ng Finland, 11-9, upang ikasa ang pagkikita nila ni Lee para sa puwesto sa semifinals.
Pero kinapos si Gabica na ngayon ay coach ng bilyar sa nasabing bansa, nang hanggang 9-10 na pagdikit lamang ang pinakamagandang nagawa kay Lee.
Alternate break ang labanan at pinalad si Lee na mapunta sa kanya ang sargo sa 20th rack na kanyang naipanalo tungo sa 11-9 tagumpay.
Sina Efren “Bata” Reyes, Dennis Orcollo, Lee Van Corteza at Jundel Mazon ay maagang nasibak sa knockout stage.
Talunan si Reyes ni Dominic Jentsch ng Germany, 10-11, at si Corteza ay yumukod kay Immonen, 5-11, na parehong nilaro sa round of 32.
Pinalad na manalo sina Orcollo at Mazon sa second round laban kina Hsu Kai Lun ng Taipei, 11-8, at Konstantin Stepanov ng Russia, 11-3.
Ngunit tinakasan sila ng suwerte sa round of 16 nang yumukod si Orcollo kay Nick van den Berg ng Netherlands, 6-11, at si Mazon ay umuwi sa kamay ni Ko Pin Yi ng Taipei, 9-11.
May $300,000 premyo ang isinahug sa labanan at si Gabica ay nagbulsa ng $8,000 habang sina Orcollo at Mazon ay nagbitbit ng $5,000. Sina Reyes at Corteza ay nakontento sa $3,500 premyo.
Bagong kampeon ang lalabas sa torneo matapos masibak ang nagdedepensang si Yukio Akagariyama ng Japan sa kamay ni Thorsten Hohmann ng Germany, 9-11, sa round of 32.