5 na lang ang Pinoy sa World 9-Ball C'Ships
MANILA, Philippines - Nanaig si Efren “Bata” Reyes laban kay Toh Lian Han ng Singapore, 11-6, upang maiwan na lamang bilang dating kampeon sa hanay ng Pilipinas na buhay pa sa idinadaos na 2012 World 9-ball Championship sa Doha Qatar.
Binuksan ang Last 64 noong Miyerkules ng gabi sa Al Sadd Club at si Reyes ang pumawi sa pagkatalong nalasap ng mga dating kampeon na sina Francisco Bustamante at Ronato Alcano.
Si Bustamante ay namaalam laban kay Chao Fong-pang ng Chinese Taipei, 11-6, habang si Alcano na runner-up din sa nagdaang edisyon ay sinibak ng kababayang si Jundel Mazon, 11-9.
Sina Dennis Orcollo, Lee Van Corteza at Antonio Ga-bica ang iba pang umabante sa Last 32.
Tinalo ni Orcollo si Andrew Kong ng Hong Kong, 11-8, nanalo si Corteza kay Serge Das ng Belgium, 11-4, at si Gabica ay umukit ng 11-7 tagumpay laban kay Mario He ng Austria.
Ang iba pang natalo sa unang laban sa knockout stage ay sina Israel Rota, Marlon Caneda, Elvis Calasang, Carlo Biado, Joven Alba at Roberto Gomez
Si Rota ay yumukod kay Han Hao-xiang ng China, 8-11; si Caneda ay talunan ni Nick van den Berg ng Netherlands, 6-11; si Calasang ay pinauwi ni John Morra ng Canada, 7-11; si Biado ay natalo kay Naoyuki Ohi ng Japan, 10-11; si Alba ay namahinga kay Chang Jun-lin ng Chinese Taipei, 2-11; at si Gomez ay nanghina kay Liu Haitao ng China, 4-11.
Ang mga nasibak sa first round sa knockout stage ay may pabaong $2,000 habang ang mga umabante sa Last 32 ay nakatiyak na ng $3,500 premyo.
Sinahugan ang torneo ng $300,000 at ang hihiranging kampeon ay magbibitbit ng $40,000 habang ang papa-ngalawa ay may $20,000 gantimpala.
Ang nagdedepensang kampeon na si Yukio Akagariyama ng Japan ay palaban pa sa ikalawang sunod na kampeonato nang manaig kay Thomas Engert ng Germany, 11-9.
- Latest
- Trending