Ibigay ang nararapat
Hindi pa man umaalis sa bansa at ilang buwan pa ang Olympiada sa London, maituturing na mga bayani na ang 11 atleta na lalahok dito.
Hindi pa sila nananalo, pero ang pagsali ng mga ito ay maituturing nang isang karangalan para sa ating bansa.
Bibihira kasi ang mga atleta na makasama sa Olympics, lalo na sa mga bansa na katulad natin na gipit sa pondo pagdating sa sports.
Alam natin kung gaano kahirap ang pinagdaanan ng mga atletang sina boxer Mark Anthony Barriga, tracksters Marestella Torres at Rene Herrera, swimmer Jasmine Alkhaldi at Jessie Khing Lacuna, weightlifter Hidilyn Diaz, shooter Brian Rosario, Fil-Japanese judoka Tomohiko Hoshina at Fil-Am BMX rider Daniel Caluag, na nagsanay sa Japan at Amerika, ayon sa pagkakasunod, at archers Mark Javier at Rachelle Anne Cabral-dela Cruz,
Kumbaga para silang dumaan sa butas ng karayom. Isinakripisyo nila ang kanilang lakas, oras at pamilya para makarating sa Olympiada kaya’t dapat lamang natin silang suportahan.
Marahil isa sa mga ito ang makakapagbigay na ng gintong medalya para sa Pilipinas mula sa Olympics.
***
AHindi naman sa tayo ay materialistic.
Pero dapat ngayon pa lamang ay pinaplantsa na rin ng Philippine Sports Commission (PSC) ang kanilang reward para sa mga atleta na nag-qualify sa Olympics. Oo nga at isang reward na ang mapasama sa Olympics, pero mas mainam siyempre kung may tinatawag na pampagana sa mga atleta.
Kung noon ay sandamakmak ang ibinibigay na benepisyo sa mga atleta na nag-qualify sa Olympics, bakit hindi natin ito gawin ngayon upang maenganyo ang 11 atleta natin na sasabak sa London Games.
Bukod dito, isa rin itong “come on” sa mga gustong maging atleta at may potensyal na mga bata.
Isipin natin na ang sports ay isa ring merkado na kinakailangan din nang “pampagana” para naman mas marami ang sumali at makapagbigay pa ng karangalan sa bansa.
Pero sa ngayon, iyon munang 11 atleta na lalahok sa Olympiada sa London ang dapat nating pagtuunan. Sigurado ako na may nakalaan namang pondo para sa mga bagay na ito ang PSC.
Iyan ay kung hindi pa naide-divert ang pondo.
Ano kaya ang masasabi ng pamunuan ng PSC?
- Latest
- Trending