Solong liderato pakay ng JRU vs Arellano
MANILA, Philippines - Solo liderato ang pakay ngayon ng Jose Rizal University habang bigyan ng magandang pagsalubong ang bagong coach ang nais ng University of Perpetual Help System Dalta sa pagpapatuloy ngayon ng 88th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Kakaharapin ng Heavy Bombers ang Arellano University sa huling laro dakong alas-6 ng gabi at sisikapin ng tropa ni coach Vergel Meneses na masundan ang 65-64 panalo na naiukit sa Mapua sa unang laro noong Sabado.
“Hindi kami ganoong kalakas pero sinisikap naming mag-improve evey game. Depensa at team work ang dapat na ilaro para manalo uli,” wika ni Meneses na sasandal sa husay nina Nate Matute, John Lopez at Byron Villarias.
Unang panalo matapos ang dalawang sunod na talo ang hanap naman ng Chiefs sa ilalim ng bagong coach na si Koy Banal.
Matapos lasapin ang 71-81 pagkatalo sa San Beda na naglaro gamit ang anim na manlalaro lamang, ang Chiefs ay dumapa uli sa Emilio Aguinaldo College, 75-72, para malagay sa huling puwesto sa siyam na koponang liga.
Si Aric Del Rosario ay magbabalik sa bench para diskartehan ang Altas na sasagupain ang Lyceum sa ganap na ika-4 ng hapon.
Bibitbitin ni Del Rosario na nanilbihan din bilang commissioner ng liga, ang malawak na coaching experience para maibalik ang Altas sa Final Four na huling nangyari noong 2004.
Kailangang kuminang ang mga beteranong sina Jett Vidal, Justine Alano at Chris Elopre dahil ang Pirates ay magnanais na bumangon mula sa 61-70 pagkatalo sa St. Benilde noong Lunes.
- Latest
- Trending