'Bigyan n'yo ng Medalya ang Pinas!'
MANILA, Philippines - Iba’t-iba man ang plano hinggil sa kanilang paghahanda, iisa naman ang nararamdaman ng mga manlalarong nakakuha ng puwesto sa London Olympics, at ito ay ang pananabik na makasukatan ang pinakamahuhusay na atleta sa buong mundo.
“It’s the experience to compete with high class athletes, the best of the best, na bihirang mangyari,” wika ni Jasmine Alkhaldi, isang baguhan sa Olympics na nais ding makita ng malapitan ang iniidolong si Michael Phelps.
Ganito rin ang tinuran nina swimmer Jessie King Lacuna, tracksters Rene Herrera at Marestella Torres, boxer Mark Anthony Barriga, weightlifter Hidilyn Diaz at shooter Brian Rosario na dumalo sa sendoff party noong Lunes ng gabi sa Blue Leaf Events Pavillion sa Taguig City.
May 11 atleta ang Pilipinas sa London pero wala sa bansa sina Fil-Japanese judoka Tomohiko Hoshina at Fil-Am BMX rider Daniel Caluag habang pabalik pa lamang mula US ang archers na sina Mark Javier at Rachel Ann Cabral-Dela Cruz.
“Masarap ang pakiramdam dahil noon ay tumatakas pa ako sa school at napapagalitan para makapagboksing lamang. Ngayon hindi talaga ako nagsisisi dahil may nakamit ako ngayon,” wika naman ni Barriga, ang 19-anyos, 5-foot boxer.
Hindi nakadalo si Pangulong Benigno S. Aquino sa pagtitipong handog ng TV5 sa pakikipagtulungan ng Philippine Olympic Committee (POC) pero nagpadala siya ng mensahe na binasa ni Energy Secretary Jose Rene Almendras.
Pinuri niya ang kabayanihang ginawa ng 11 atleta nang naipasok ang mga sarili sa Olympics pero kasabay nito ay ang hamon na bigyan ng medalya ang Pilipinas.
“As we send off our Olympians on their journey to London, all Filipinos stand together in support of our champions. After all, as much as the Olympics is about international cooperation, we still want to win recognition for our country and we want the athletes we are sending off today to do precisely that. We want them to stand atop the podium with medals around their necks, bringing glory to our nation, and filling the hearts of each Filipino with pride.” wika ng Pangulo.
“I know the world may not be expecting us to take home multiple gold medals. But I believe in the capacity of the Filipino to surprise. I believe in the capacity of the Filipino to be excellent in anything they do- to be world class,” dagdag ni Aquino.
Para kay POC president Jose Cojuangco Jr., masaya na siya at may nakapasok na Filipino athletes sa London dahil sa hirap na makapag-qualify at ang mahinang suporta na natatanggap ng Pinoy athletes.
Sina PSC chairman Ricardo Garcia, sportspatron Manny V. Pangilinan, Philippine Olympians Association president Art Macapagal at mga pangulo o opisyal ng mga sports na nakapaglahok ng manlalaro sa London ang iba pang dumalo sa pagtitipon.
- Latest
- Trending