7 Pinoy pasok na sa Last 64 sa World 9-Ball C'ships
MANILA, Philippines - Tatlong mga dating kampeon ng Pilipinas ang nanguna sa pitong cue-artist na umabante sa Knockout stage sa 2012 World 9-Ball Championship sa Al Sadd Sports Club sa Doha, Qatar.
Sina Efren “Bata” Reyes ay nangibabaw kay Bader Al Awadi ng Kuwait, 9-2, sa Group A; si Francisco “Django” Bustamante ay nanaig kay Adbullah Al Yousuf ng United Arab Emirates, 9-4, sa Group I at si Ronato “Volcano” Alcano ay nanalo naman kay Hunter Lombardo ng USA, 9-8, sa Group M.
Sina Carlo Biado, Roberto Gomez, Antonio Gabica at Lee Van Corteza ang iba pang Pinoy na nakalusot ng dalawang sunod sa kanilang grupo para makapasok sa Last 64.
Tinalo ni Biado si Roman Hybler ng Czech Republic, 9-3, sa Group D; si Gomez ay nanaig kay Mohammed Saed Saed ng host Qatar, sa Group J; si Gabica na lumusot kay Dennis Grabe ng Estonia, 9-7, sa Group M at si Corteza ay nagwagi sa kababayang si Marlon Caneda, 9-5, sa Group D.
Dadaan naman sa mas mahirap na landas ang mga dating nasa winner’s bracket na sina Dennis Orcollo, Jundel Mazon at Joyme Vicente na natalo sa kanilang laban.
Yumukod si Orcollo kay Andrew Kong ng Hong Kong, 9-5, sa Group O; si Mazon ay bigo kay Vincent Facquet ng France, 9-5, sa Group C habang si Vicente ay tumanggap ng 9-8 pagkatalo kay John Morra sa Group A.
Kakaharapin ni Orcollo ang isa pang Pinoy na si Raymund Faraon; si Mazon ay masusukat kay Shane Van Boening ng US at si Vicente ay mapapalaban kontra kay Huidji See ng Netherlands.
Ang iba pang nasa loser’s group na kailangang manalo ay sina Caneda laban kay Ceri Worts ng New Zealand sa Group N; si Elvis Calasang kontra kay Abdul Rahman Al Amar ng Kingdom of Saudi Arabia sa Group K at sina Joven Alba at Israel Rota na naglalaro sa Group P ay laban kina Nayf Abdel Afou ng Jordan at David Anderson ng Russia ayon sa pagkakasunod.
- Latest
- Trending