Corteza, apat pa nakapasok sa 2nd round ng World 9-ball
MANILA, Philippines - Lima pang Filipino pool players ang umabante sa second round sa winner’s group upang tumibay pa ang hangaring magkaroon ng maraming lahok sa knockout stage sa 2012 World 9-ball Championship kahapon sa Al Sadd Sports Club sa Doha, Qatar.
Sina Lee Van Corteza, Ronato Alcano, Dennis Orcollo, Antonio Gabica at Marlon Caneda ang nanatiling nasa winner’s group upang makasama kina Efren “Bata” Reyes, Francisco “Django” Bustamante, Carlo Biado, Jundel Mazon, Roberto Gomez, Ramil Gallego at Joyme Vicente na mangangailangan ng isang panalo para umusad sa main draw .
Si Corteza ang may pinakamainit na panalo nang bokyain si Ivaca Putnik ng Croatia, 9-0, sa Group N.
Nangibabaw ang husay ng 2006 champion at runner-up noong nakaraang taon na si Alcano kay Toh Lian Han ng Singapore, 9-3, habang si Gabica ay umukit ng 9-4 tagumpay kay Andrea Klasovic ng Serbia, 9-4, sa Group M; nanaig si Orcollo kay Ali Saeed Alsuwaidi ng United Arab Emirates, 9-6, at si Caneda ay nanalo kay Francisco Diaz Pizarro ng Spain sa Group N.
Natalo naman sa unang laro sina Elvis Calasang, Raymond Faraon, Joven Alba at Israel Rota pero palaban pa rin sila sa puwesto sa susunod na round.
Natalo si Calasang kay Hao Xiang Han ng Hong Kong, 6-9, ngunit nanaig kay Kou Yi Che ng Taipei, 9-8 sa Group K; si Faraon ay nabigo kay Johnny Martinez ng US, 8-9, pero bumawi kay Richard Jones ng England, 9-6 sa Group O.
- Latest
- Trending