MANILA, Philippines - Mararamdaman ng mga atletang lalahok sa London Olympics ang mainit na suporta mula sa iba't ibang sektor sa gaganaping sendoff party ngayon sa Blue Leaf sa Fort Bonifacio sa Taguig City.
Si Pangulong Benigno ‘Noynoy’ S. Aquino III ang siyang inaasahan na mangunguna sa seremonya na magsisimula sa ganap na alas-6 ng gabi.
"The presence of the President will give our athletes the much-needed inspiration as they compete in the world's biggest sports meet," wika ni Chef de Mission at Philippine Olympic Committee (POC) first vice-president Manny Lopez.
Umabot na sa 11 ang bilang ng atletang nakapasok sa 2012 London Olympics.
Ang mga ito ay sina tracksters Marestella Torres at Rene Herrera, swimmers Jessie King Lacuna at Jasmine Alkhaldi, boxer Mark Anthony Barriga, judoka Tomohiko Hoshina, shooter Brian Rosario, Fil-Am BMX rider Daniel Caluag at weightlifter Hidilyn Diaz.
Huling pumasok ay ang mga archers na sina Mark Javier at Rachel Cabral.
Sina Hoshina at Caluag ay hindi makakadalo dahil sa pareho silang nasa ibang bansa at nagsasanay.
Si POC president Jose Cojuangco, Jr. at PSC chairman Ricardo Garcia ang mga matataas na sports officials na dadalo bukod pa kay businessman/sportsman Manny V. Pangilinan.
Matapos ang party, maghahanda naman sina Barriga, Herrera, Torres, Alkhaldi at Laguna sa pagtungo sa London sa susunod na linggo para sa pre-Olympic Games training camp na inorganisa ng London Organizing Committee for Olympic Games (LOCOG).