Javier, Cabral pasok sa Olympics
MANILA, Philippines - Magpapasikat ang mga archers na sina Mark Javier at Rachel Ann Cabral sa London Olympics.
Pinalad ang dalawang pambato ng bansa na masama sa Olympics nang makuha ang puwesto sa idinaos na Olympic Games Final Qualification Tournament sa Ogden City sa Utah, USA.
Isinabay ang torneo sa World Archery Cup, si Javier ay tumapos sa panlima sa kalalakihan habang pampito si Cabral sa kababaihan sa idinaos na recurve competition.
Dahil dito, ang Pilipinas ngayon ay mayroong 11 panlaban sa prestihiyosong torneo kasunod ng pagtiyak ng puwesto nina Marestella Torres at Rene Herrera ng athletics, Jessie King Lacuna at Jasmine Alkhaldi ng swimming, Mark Anthony Barriga ng boxing, Brian Rosario ng shooting, Tohomiko Hoshina ng judo, Daniel Caluag ng BMX cycling at Hidilyn Diaz ng weightlifting.
Ang pagkakaroon ng dalawang qualified archers ang pinakamarami sa kasaysayan ng archery ng bansa at patunay na unti-unti ng bumabangon ang sport mula sa problema sa liderato.
- Latest
- Trending