WBO ibinigay ang panalo kay Pacquiao
MANILA, Philippines - Kinampihan ng binuong five-member international judging panel ng World Boxing Organization (WBO) si Manny Pacquiao hinggil sa kontrobersyal nitong pagkatalo kay Timothy Bradley, Jr. via split decision noong Hunyo 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Ito ay matapos makumpleto ng naturang mga judges ang pagrebisa sa laban nina Pacquiao at Bradley.
Ang limang judges na inutusan ni WBO president Francisco ‘Paco’ Valcarcel na rebyuhin ang pag-iskor sa laban nina Pacquiao at Bradley ay nag-iskor ng 118-110, 117-111, 117-111, 116-112 at 115-113 para sa Sarangani Congressman.
Sa kabila nito, nilinaw ni Valcarcel na hindi niya maaaring bawiin kay Bradley ang nasabing WBO welterweight crown, ngunit puwede niyang ipag-utos ang rematch nila ni Pacquiao kung gusto nito at ni Bob Arum ng Top Rank Promotions.
“We can’t change the result but we did this review for two reasons,” ani Valcarcel sa ESPN.com. “If they want to make a rematch, we will approve the rematch and if they don’t, we will order one.”
Idinagdag pa ng WBO chief na maaaring magtalaga ang Nevada State Athletic Commission (NSAC) ng mga judges na galing sa labas ng Nevada.
“Also, we wanted to show (the Nevada State Athletic Commission) that they could bring in other officials from outside of Nevada who can also do a fine job judging fights. It’s good to have different officials,” wika ni Valcarcel
Sinabi rin ni Pacquiao na kung sakaling ibigay sa kanya ang titulo ay hindi niya ito tatanggapin.
“Kung ibigay naman nina (Bradley) hindi ko naman tatanggapin. Baka isipin ng tao inaagaw ko ang belt,” ani pa ni Pacman.
Ang 28-anyos na si Bradley ay nakakuha kina judges Duane Ford at Cynthia J. Ross ng iskor na 115-113, samantalang si Pacquiao ay tumanggap naman kay judge Jerry Roth ng 115-113.
Ito ang unang kabiguan ng Filipino world eight-division champion sapul nang matalo kay Mexican Erik Morales noong 2005.
- Latest
- Trending