MANILA, Philippines - Bago itakda ang rematch nina Manny Pacquiao at Timothy Bradley, Jr. sa Nobyembre 10 ay kailangan munang maibalik ang kumpiyansa ng mga fans sa boxing.
Ayon kay Top Rank president Todd duBeof, wala pang kasiguraduhan kung matutuloy ang ikalawang sunod na suntukan nina Pacquiao at Bradley matapos ang kanilang kontrobersyal na laban noong Hunyo 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
“Right now, the rematch is not something that we’re proceeding with,” wika ni duBeof sa Pacquiao-Bradley rematch. “The public needs restored confidence.”
Sinabi pa ni duBoef na hihintayin nila ang desisyon ng 33-anyos na si Pacquiao kung gusto nitong gawin ang rematch sa 28-anyos na si Bradley.
“We’re going to wait to hear from Manny if he wants to fight in November 10th. We’ll have conversations, but I really think the public needs to have restored confidence,” wika ng Top Rank president.
Maging ang manager ni Bradley na si Cameron Dunkin ay hindi rin tiniyak kung matutuloy ang bakbakang muli nina Pacquiao at Bradley.
“I don’t know if it’s going to happen in November 10th. I had a long talk with Todd duBoef of Top Rank. But definitely, it’s a fight that has to happen,” wika ni Dunkin, manager din ni world three-division champion Nonito Donaire, Jr.
Inagaw ni Bradley ang dating hawak ni Pacquiao na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown sa pamamagitan ng isang kontrobersyal na split decision win na kinuwestiyon ng mga boxing fans, officials at experts.
Nakakuha si Bradley ng magkatulad na 115-113 iskor mula kina judges Duane Ford at Cynthia J. Ross, habang tumanggap si Pacquiao ng 115-113 iskor kay judge Jerry Roth.
Sinabi ni Top Rank chairman Bob Arum na dominado ni Pacquiao ang naturang laban nila ni Bradley kaya si ‘Pacman’ dapat ang hinirang na panalo.
Bukod sa WBO, magsasagawa rin ng imbestigasyon ang Nevada State Athletic Committee (NSAC) ukol sa naturang pag-iskor na ginawa sa naturang laban nina Pacquiao at Bradley.