Rematch lang ang magagawa ng WBO, panalo ni Bradley 'di puwedeng bawiin
MANILA, Philippines - Hanggang rematch lamang ang puwedeng gawin ng World Boxing Organization (WBO) sakaling mapatunayan na may kontrobersiya na nangyari sa pagkapanalo ni Timothy Bradley kay Manny Pacquiao noong nakaraang Linggo sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada.
Ipinag-utos na ni WBO president Francisco Valcarcel ang pagbuo ng lima- kataong panel na siyang rerebisa sa naging hatol ng tatlong hurado na humusga sa Bradley-Pacquiao fight na kung saan ay nanalo ang una gamit ang split decision.
Pero ang aksyon na ito ay hindi magreresulta para bawiin ang titulong napanalunan ni Bradley dahil ayon sa regulasyon hinggil sa World Championship fights ng WBO, ang puwede lamang gawin kung may napatunayan na mali ang hatol ay irekomenda ang direct return fight o rematch.
“The organization can only go this far,” wika ni Valcarcel.
Wala namang saysay ang rematch na ito dahil sa kontrata ng laban na pirmado ng dalawang boksingero ay kasama na rito ang rematch clause.
Samantala, darating ngayon si Pacquiao mula US upang maasikaso ang mga nasasakupan sa Sarangani Province na nabiktima ng flashfloods at tornado kamakailan.
Bukod pa ito sa tinamong 5.9 magnitude na lindol kahapon na dumapo sa iba’t-iba ring lugar sa Mindanao kasama ang General Santos City.
May 88 katao na ang iniulat na nawawala at 700 pamilya ang inilipat dala ng malawakang pagbaha na tumama sa bayan ng Gian at Maasimi sa Sarangani.
Sa nangyaring trahedya, buo pa rin ang loob ni Pacquiao na may liwanag na masisilayan ang mga kababayan basta’t patuloy lamang na manalig sa Panginoon.
“Relax lang kayo, Pray and believe in God,” wika ni Pacquiao na matibay na ngayon ang pananampalataya sa Panginoon.
- Latest
- Trending