Juico, Tolentino nagkasundo na
MANILA, Philippines - Nagkasundo na sina ICFP president Philip Ella Juico at PhilCycling head at Tagaytay Mayor Abraham Tolentino na magsama para sa ikabubuti ng cycling sa bansa.
Ayon kay POC president Jose Cojuangco Jr. nagkasundo na sina Juico at Tolentino na magsama na sa iisang bubong matapos ang ilang taong krisis sa liderato sa cycling.
“The two sportsmen have come up with an arrangement for the good of the sport. They both gave up a lot so that there will be harmony in the sport,” wika ni Cojuangco.
Ang eleksyon ay itinakda sa Hulyo 3 at mismong si Cojuangco ang sasaksi sa magiging kaganapan na itinuturing na hudyat ng bagong sigla sa cycling.
Si Tolentino ang may basbas ng international body UCI at sinasabing mananatili siya sa kanyang puwesto habang si Juico ang iluluklok bilang chairman.
“Hindi ko naman sinasabi na may lutong macao pero may kasunduan na sila kung paano ang mangyayari na fair for both sides,” dagdag ni Cojuangco.
Ang cycling ang isa sa pinagkukunan ng karangalan ng Pilipinas sa international tournaments at sa gaganaping London Olympics ay may pambato ang bansa sa katauhan ni Fil-Am BMX rider Daniel Caluag.
“Maraming ang nagsasabi na kaya nating mag-excel sa cycling at kailangan lamang nila ang all-out support at inaasahan kong mangyayari na ang hanap na suporta ngayong nagkaayos na ang dalawang grupo,” dagdag ni Cojuangco.
Dahil sa gulo sa liderato sa cycling, hindi nakasali ang ipinadalang pambansang siklista sa 2007 Thailand SEAG upang mabawasan ng inaasahang medalya ang delegasyon.
- Latest
- Trending