^

PSN Palaro

Hindi puwedeng panay Zach Graham lang

FREETHROWS - AC Zaldivar - The Philippine Star

Walang duda na napakahusay na import ni Zachary Graham ng Air21 Express.

Kasi nga’y hindi bumababa sa 30 puntos ang kanyang score sa bawat laro. Kumbaga’y tunay na scorer siya at mahirap mapigilan.

Kung puntos at puntos rin lang ang pag-uusapan, aba’y sulit na ang Air21 kay Graham.

Ang siste’y tatlo na ang talo ng Express sa PBA Governor’s Cup.

Nagsimula ang kampanya ng Express sa pamama-gitan ng masaklap na 103-85 na kabiguan sa kamay ng Barangay Ginebra Kings noong Mayo 23. Pero dagli silang nakabawi nang talunin nila ang powerhouse Talk N Text, 97-86 sa kanilang sumunod na laro.

Akala ng karamihan ay magtutuluy-tuloy na ang mga panalo para sa koponan ni coach Franz Pumaren pagkatapos niyon. Kasi nga’y malaking isda ang Talk N Text.

 Pero tila hanggang doon na lang muna ang kanilang pagdiriwang.

 Kasi, pagkatapos ng panalo kontra Talk N Text, hayun ay balik-talo na naman ang Air21!

 Dinaig sila ng Rain or Shine, 106-92 noong Mayo 30. At noong Sabado ay pinayuko sila ng Commissioners Cup champion B-Meg, 91-78 sa ikalawang out-of-town game ng torneo sa Digos City, Davao del Sur.

Ito’y sa kabila ng 39-point production ni Graham.

Sayang naman! Trenta’y nueve na nga ang ginawa ng import, natalo pa!

E kasi naman wala ng ibang Air21 player ang nagtala ng double figures sa scoring. Ang sumunod kay Graham ay si Elmer Espiritu na nag-ambag ng pitong puntos. Pagkatapos ni Espiritu, si Wynne Arboleda ay gumawa ng anim.

Isipin mong first game ni Arboleda sa Express (mata­pos na ilaglag siya ng Barako Bull, kunin ng Petron at ipamigay sa Ai r21 (kapalit ni Jojo Ducil), hayun at second leading local scorer siya.

Ano ba naman yun?

Ano ba ang ginagawa ng iba? nanonood na lang?

Hindi kakayanin ni Graham na pasanin ang Air21.

Siguro, kahit na gumawa ng 50 puntos si Graham sa mga susunod na laro ay hindi pa rin mananalo ang Air21 kung hindi siya tutulungan ng kanyang mga kakampi.

Una’y magiging predictable ang opensa ng Air21 at si Graham na lang ang pagtuunang mabuti ng depensa.

Ikalawa’y hindi naman robot si Graham na basta papatakan ng langis ay puwedeng tumikada nang tumikada kahit anong oras.

Napapagod din naman siya at nawawalan ng focus ang kanyang mga tira.

 Aba’y ganito ang nangyari noong Sabado. First half pa lang ay kumayod na nang husto si Graham at gumawa ng 22 puntos upang makalamang ang Express sa halftime, 47-44.

So sa halftime ay sinabi ni B-Meg coach Tim Cone sa kanyang mga bata na kailangang pigilin si Graham. Kailangang pagurin.

“Graham is a great import. At halftime, I told the guys we’ve got to wear him down. Maybe in the third or fourth quarter, he’ll get tired, and he did,” ani Cone.

Simpleng game plan, simpleng solusyon.

Hayun, napagod si Graham sa second half at na-hirapan ng dumiskarte.

E, hindi naman tumulong ang locals ng Air 21. Talo sila!

Hindi puwede ang ganitong pustura buhat sa Express!

AIR21

ANO

B-MEG

BARAKO BULL

BARANGAY GINEBRA KINGS

GRAHAM

KASI

TALK N TEXT

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with