San Miguel sasagupa sa Warriors para sa titulo

Manila, Philippines -  Dinomina ng San Miguel Beermen ang second half tungo sa madaling 90-56 panalo sa Westports Malaysia Dragons sa Game Three ng 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) kagabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

May 21 puntos at 19 rebounds si Nick Fazekas ha­bang doble pigura rin ang ibinigay nina Leo Avenido, Duke Crews, Chris Banchero at Jun Mar Fajardo para sa Beermen na ibinaon sa limot ang 77-100 pagkatalo sa Malaysia sa Game Two upang makapasok na sa finals kalaro ang Indonesia Warriors.

“If you look at Game Two, every one of us had a bad game. This is a good bounce back game for all of us,” wika ng 6’11 na si Fazekas.

Angat lamang ng dalawa ang Beermen sa halftime, 37-35, nang magbagsak si Fazekas ng 13 habang walo sa 18 puntos ni Avenido ang ginawa sa nasabing yugto upang ma-outscore nila ang Dragons, 29-10, at umabante sa 66-45.

Si Tiras Wade ay may 25 puntos pero si Brian Williams ay nalimitahan sa 12 puntos at 11 boards dala ng pananakit ng tiyan.

Ang pangatlong kamador ng Dragons na si Patrick Cabahug ay hindi naman nakapuntos nang naisablay ang lahat ng siyam na attempts para tuluyang mamaalam ang fourth seed team sa regional basketball league.

Show comments