Naghahabol ang Bolts
Bukas ay magpaparada ng bagong import ang Meralco Bolts sa katauhan ni Mario West na hahalili kay Champ Oguchi.
Sa totoo lang, hindi rin natin alam kung mabuti ang pagpapalit na ito. Kasi, kung wala sa kundisyon si West, baka makasama pa ito. Kung okay naman ang kundisyon ni West, kailangan din niyang mag-adjust sa kanyang koponan at mga kakampi.
Kumbaga’y parang “starting over” ito sa Bolts.
Kasi nga’y ginahol sa panahon ang Bolts sa kanilang paghahanda para sa Governor’s Cup.
Nagparating sila ng import nang maaga at patago pa. Pero nang sukatan ito ay over sa height limit na 6-5. Pinalitan ito isang araw bago nagsimula ang torneo subalit over pa in sa height limit ang dumating.
Dahil sa wala nang makuha nang madalian, tinawagan ni coach Paul Ryan Gregorio si Oguchi at nakumbinsing bumalik sa Pilipinas on short notice.
Alam naman ng lahat na scorer si Oguchi dahil sa napanood na nila ito noong nakaraang season. Pero hindi naman nabuhat ni Oguchi ang Meralco into respectability, e. Wala rin namang nangyari sa kampanya ng Bolts at hindi sila nakaalagwa.
So, parang useless ang pagpapabalik kay Oguchi. parang panakip-butas lang muna dahil sa kawalan ng makuha. Kasi, kung hindi makakakuha ng import ang Bolts, malamang sa matalo sila sa kanilang unang game at pagmultahin pa sila ng PBA.
Mabuti nga at nagwagi sila sa Talk N Text sa unang laro nila sa Governor’s Cup. Maituturing na isang malaking breakthrough ang 105-99 tagumpay nila noong Mayo 23.
Kasi, buhat nang maging miyembro ng PBA ay hindi pa tinatalo ng Bolts ang Tropang Texters. First time iyon Kaya masarap! Kaya kahit na dapat ay tinambakan nila ang Talk N Text dahil sa undermanned ito at hindi nila nagawa, masaya pa rin si Gregorio.
Hindi na niya inisiop na dapat ay malaki ang kalamangan nila. Or, tsamba lang ang panalong ito?
Natuwa na siya.
Kaya naman hindi kataka-taka na pagkatapos ng panalong iyon ay bumagsak muli sa lupa ang Bolts. Tila nag-blackout ang kanilang kapaligiran dahil sa hindi na sila ulit nagwagi.
Ang Meralco ay pinayuko ng defending champion Petron Blaze, 101-88 noong Mayo 26. Pagkatapos ay dinurog sila ng Barangay Ginebra, 100-73 sa Hoops Dome, Lapu-Lapu City, Cebu noong nakaraang Sabado. At pagbalik sa Maynila ay tinalo sila ng B-Meg Llamados, 88-83. Tuloy ay bumagsak sila sa ibaba ng standings sa record na 1-3 kagaya ng Talk N Text. At least, masasabing ‘in good company’ ang team ni Gregorio.
Pero kailangan na niyang gumawa ng drastic measures. Kaya pinauwi na niya si Oguchi. Sa totoo lang, bago ang game laban sa B-Meg ay sinabi na niyang uuwi ito. Ayan tuloy parang walang ganang maglaro si Oguchi. Lahat ng ibato ay panay bukol ang nangyari. Kahit na ang huling tira na dapat ay panabla ay iminintis niya.
Marami tuloy ang nagsabing dapat ay iba na lang ang pinatira. Dapat ay si Mark Cardona o Solomon Mercado na lang ang pinatanggap ng inbound at pinatira. baka may pag-asa pa.
Kasi, parang wala na sa puso ni Oguchi na maglaro.
Sana naman, mahusay ang nakuhang kapalit ng Meralco.
Sana raw kasing galing ni Jerry West!
- Latest
- Trending