Lady Eagles mataas pa ang lipad

MANILA, Philippines – Mangangailangan pa ng isang laro ang klasi­kong tagisan ng Ateneo at UST bago madetermina kung sino ang hihiranging kampeon ng 9th Shakey’s V-League na handog ng Smart.

Kumawala si Alyssa Val­dez ng 31 puntos na kinatampukan ng 22 kills at 8 service ace upang pamunuan ang Lady Eagles na hawakan ang 25-17, 22-25, 25-21, 28-26 panalo sa Lady Tigresses at itabla ang best of three finals sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza sa 2-1 iskor.

Tatlong aces ang gina­wa ni Valdez sa unang set para katampukan ang pagbangon ng Ateneo mula 15-16 iskor.

Kinuha ng UST ang ikalawang set at namuro na umabante sa 2-1 sa third set nang kunin ang 20-15 kalamangan.

Pero naroroon uli ang husay ni Valdez sa kanyang serve para maipanalo ng Lady Eagles ang 10 sa su­munod na 11 puntos na pinaglabanan.

“Kailangan namin ng tibay at puso sa larong ito at naipakita naman namin ito,” wika ni Valdez.

Si Lithawat Kesinee ay may 15 puntos na sinangka­pan ng tatlong blocks at dalawang service ace habang si Fille Cainglet ay may 12 hits.

Si Thai import Utaiwan Kaensing ang namuno sa Lady Tigresses sa 16 puntos kasama ang 13 kills habang sina Judy Caballejo at Maika Ortiz ay may 15 hits.

Pero ininda ng Lady Ti­gresses ang mga errors sa fourth set na kinatampukan ng service error ni Rhea Dimaculangan na nagbigay ng 27-26 kalamangan sa Lady Eagles.

Ang pamalit na si Jorella Marie de Jesus ang tumapos sa laban nang mailusot ang pinakawalang spike.

Bago ito ay inangkin mu­na ng San Sebastian ang ikatlong puwesto sa pa­mamagitan ng 26-24, 25-17, 24-26, 25-23 panalo sa Perpetual Help sa unang labanan.

Tinapos ni Jeng Bualee ang mahusay na paglalaro sa ligang may suporta rin ng Accel at Mikasa nang magtala ng 35 puntos na nagmula sa 30 kills, 3 blocks at 2 service aces.

Show comments