MIAMI--Nasayang ang malaking kalamangan ng Miami. Ngunit nang muling makontrol ng Heat ang laro ay hindi na nila nilingon pa ang Boston Celtics.
At ang NBA finals ay tatlong panalo na lamang ang laro kay LeBron at sa Heat.
Humakot si James ng 32 points at 13 rebounds, habang humugot si Dwyane Wade ng 10 sa kanyang 22 points sa fourth quarter para igiya ang Heat sa 93-79 panalo laban sa Celtics sa Game 1 ng Eastern Conference finals.
Nagdagdag si Shane Battier, naglalaro sa kanyang unang conference finals, ng 10 points at 10 rebounds para sa Heat na nagtayo ng isang 11-point first-half lead.
Tinalo ng Miami ang Boston sa rebounding, 48-33, at naglista ng 11 shotblocks.
Kumolekta naman si Kevin Garnett ng 23 points at 10 rebounds para sa Boston, nakahugot ng 16 points, 9 rebounds at 7 assists kay Rajon Rondo at 12 points kay Paul Pierce kung saan kumana siya ng lima mula sa kanyang 18 tira.
“One down,” wika ni Miami coach coach Erik Spoelstra. “At time it was a strange game--same good runs by both teams. We felt we could have played better, I’m sure they felt the same thing.”
Nakatakda ang Game 2 sa Miyerkules sa Miami.
Ito ang pangatlong pagkakataon na nagtagpo ang Heat at Celtics sa playoffs.
Sa nakalipas na 10 postseasons, ang 15 sa 20 koponang nagtala ng 1-0 leads sa conference finals ay nanalo sa serye. Sa kabila ng kanilang pagkakaiwan sa serye, tinalo pa rin ng Miami ang Chicago noong nakaraang taon.
Gumawa si James ng 13 points sa first quarter upang ibigay sa Miami ang 21-11 bentahe kung saan naglista si Garnett ng 3-of-4 fieldgoal shooting at may 2-for-16 clip ang iba niyang teammates.
Umiskor naman ang Boston ng 35 points sa second quarter upang makabangon buhat sa isang 11-point deficit para makatabla sa halftime, 46-46.