ORMOC City, Philippines --Nasa peligro na ang hangaring matagumpay na pagdepensa sa team title ng LPGMA-American Vinyl sa idinadaos na 2012 LBC Ronda Pilipinas.
Nasa ika-12 puwesto ang koponang hawak ni coach Renato Dolosa matapos ang unang lap sa 21-day,15-leg karera na iikot sa kabuuan ng bansa. Pero hindi naman sumusuko si Dolosa dahil naniniwala siyang maaga pa ang karera at nagsisimula pa lamang mag-init ang kanyang mga siklista.
May puntos ang dating Tour champion dahil gumana na sina Cris Joven at Rustom Lim habang nagsisimula na ring humataw ang skipper na si Irish Valenzuela, Rudy Roque, Ronnel Hualda at Edmundo Nicolas para ibangon na ang koponan tungo sa ikawalong puwesto sa overall matapos ang apat na stage.
Kapos na lamang sila ng mahigit na 14:43 sa nangungunang V-Mobile.
“Masama ang naging simula pero hindi kami sumusuko. Katunayan ay unti-unti kaming bumabangon at ang diskarte ay one stage at a time,” wika ni Dolosa.
“Alam ko ang kakayahan ng mga siklista ko at tama ang kanilang peaking. Ang kailangan lamang namin ay mag-improve kada stage para makakuha ng mahalagang oras,” dagdag ni Dolosa.
Sa pananaw ng mga coaches sa 16 na koponang nagtatagisan, ang nakikita nilang magdedetermina sa magiging kampeon sa individual at team ay sa stage 12 na Lingayen, Pangasinan hanggang Baguio City at stage 13 na Tuba, Benguet hanggang Baguio.
Tulad sa nagdaang edisyon, ang hihiranging kampeon sa team event ay tatanggap ng P1 milyon premyo.