4 teams mag-uunahang makalapit sa Finals
MANILA, Philippines - Mahalagang unang panalo ang paglalabanan ng apat na nakatayong koponan sa pagsisimula ng semifinals sa 9th Shakey’s V-League na handog ng Smart ngayon sa The Arena sa San Juan.
Ang nagbabalik na 6-time champion UST ay makikipagsukatan sa San Sebastian sa ganap na alas-2 ng hapon bago sundan ng pagkikita ng nagdedepensang kampeon na Ateneo laban sa NCAA champion Perpetual Help dakong alas-4.
Maigsing best-of-three series ang semis sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza kaya’t mahalaga ang hahawakang 1-0 bentahe ng mananalong koponan para maisakatuparan ang pag-abante sa championship round na inilagay din sa isang best-of-three series.
Bitbit ng Lady Tigresses ang 3-0 panalo sa Lady Stags sa kanilang pagkikita sa elimination round pero para kay UST coach Odjie Mamon, wala na itong halaga dahil ang pinaglalabanan na nila ay puwesto sa Finals.
Dahil dito, ang UST na tumapos sa ikalawang puwesto sa ligang may ayuda rin ng Accel at Mikasa sa 6-1 karta, ay aasa sa husay nina dating MVP Mary Jean Balse, Thai import Utaiwan Kaensing bukod pa kina Maika Ortiz, Maruja Banaticla at Judy Caballejo.
- Latest
- Trending