Wade, James pinagliyab ang Heat, pasok na sa EC finals
INDIANAPOLIS--Umiskor si Dwyane Wade ng 41 points at may 28 naman si LeBron James para igiya ang Miami Heat sa 105-93 panalo laban sa Pacers sa Game 6 papunta sa Eastern Conference finals.
Winakasan ng Miami ang kanilang semifinals series ng Indiana sa 4-2 para hintayin ang mananalo sa serye ng Boston at Philadelphia.
Sinuman sa Celtics at 76ers ang makakasagupa ng Heat para sa conference finals na magsisimula sa Lunes sa Miami.
“In the regular season, we’ve had some good games,’’ wika ni Wade. “But I don’t know if we’ve ever had three in a row like that in the playoffs.’’
Nanggaling ang Miami sa 1-2 pagkakaiwan sa serye matapos biguin ng Pacers, 94-75, sa Indianapolis sa Game 3 para kunin ang home court advantage.
Sa pamamahinga ni Chris Bosh dahil sa isang abdominal injury, sina James at Wade ang nagdala sa Heat sa sumunod na tatlong laro kung saan nagtala si James ng kabuuang 98 points, 34 rebounds at 24 assists, habang kumolekta si Wade ng 99 points, 22 rebounds at 11 assists.
Mula sa isang 11-point deficit, dinala ni Wade sa kanyang mga balikat ang Miami sa pamamagitan ng kanyang 26 points sa halftime.
Pumantay ang naturang produksyon ni Wade sa 16-year-old franchise record ni Tim Hardaway para sa pinakamaraming playoff points sa unang dalawang yugto.
Tanging sa huling bahagi ng second quarter nakaporma ang Pacers sa pagbaba ng 10-0 run upang agawin ang 53-51 lead patungo sa second half.
Iginupo ng Miami ang Chicago Bulls noong nakaraang taong Eastern Conference finals, ngunit nabigo naman sila sa kamay ng Dallas sa six games sa championship series.
- Latest
- Trending