Hosting ng PNG sa Dumaguete, Negros handang-handa na
MANILA, Philippines - Isang mabagsik na bagyong ‘Sendong’ at isang malakas na lindol ang tumama sa Dumaguete City at Negros Oriental noong nakaraang taon.
Sa kabila nito, kumpiyansa ang Dumaguete City at ang Negros Oriental na magiging matagumpay ang kanilang pangangasiwa sa 2012 POC-POC Philippine National Games na nakatakda sa Mayo 26 hanggang Hunyo 3.
Ito ang inihayag nina Dumaguete City Mayor Manuel Sagarbarria at Negros Oriental Gov. Roel Degamo, kinatawan ni Provincial Administrator Jose Arnel Francisco, sa idinaos na MOA signing kahapon sa Century Park Hotel.
Bukod sa Dumaguete City at Negros Oriental, magdaraos din ng ilang sports events ang Laguna, Manila, Pasig, Makati City at Taguig City, ayon kay Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richie Garcia.
“There will be 38 sports events that will be played in different venues, primarily because of the limited facilities that we could not afford to hold all sports in Dumaguete,” wika ni Garcia.
Ang mga events na idaraos sa Dumaguete City at Negros Oriental ay ang archery, arnis, athletics, badminton, basketball, billiards, chess, dancesports, football, futsal, judo, karatedo, lawn tennis, pencak silat, sepak takraw, softball, swimming, table tennis, triathlon, indoor at beach volleyball, weightlifting, wrestling at wushu.
Mapapanood naman sa Laguna ang canoe kayak, dragonboat, rugby at taekwondo, samantalang ang motorcycle sports ay sa SM Bicutan at SM Sucat, ang bowling ay sa Sta. Lucia Grand Mall, ang baseball, boxing, soft tennis, gymnastics at diving ay sa Manila, ang shooting ay sa Fort Bonifacio, ang fencing ay sa Philsports at ang wall climbing ay sa The Fort, Taguig City.
Kakatawanin ng mga atleta ngayong 2012 PNG ang kanilang mga Local Government Units (LGUs) kumpara noong nakarang edisyon.
- Latest
- Trending