MANILA, Philippines - Kumikilos ang mga kasapi ng third sex na tanggalin ang pambansang kamao na si Manny Pacquiao bilang endorser ng Nike matapos ang maaanghang na pahayag laban sa mga ito.
Gamit ang on-line, itinutulak ng mga naapektuhan ang makakuha ng suporta na magtutulak sa Nike na tanggalin si Pacquiao bilang kanilang endorser.
Tinagurian ang kampanya na ‘Tell Nike to drop homophobic boxer Manny Pacquiao’, tinuran nila na ang NIKE ay isang pro- Lesbian, Gay, Bisexual and Transgender (LGBT) company at hindi nararapat ang mga binitiwang pahayag ni Pacquiao.
Sa isang panayam na ginawa ng Conservative Examiner patungkol sa pananaw ni Pacquiao sa gay marriage na naunang sinuportahan ni US President Barack Obama, sinabi niyang hindi niya sinusuportahan ito dahil labag ito sa bibliya.
“God only expects man and woman to be together and to be legally married, only if they so are in love with each other. It should not be of the same sex so as to adulterate the altar of matrimony, like in the days of Sodom and Gamorrah of Old,” wika ni Pacman.
Binasa din umano ng natatanging boksingero na may walong titulo sa magkakaibang dibisyon ang nakasaad sa Leviticus 20:13 na kung saan nakasaad dito na “If a man lies with a man as one lies with a woman, both of them have done what is detestable, they must be put to death; their blood will be on their own head.”
Pinabulaanan naman ni Pacquiao na binanggit niya sa panayam ang mga katagang ito sa pagsasabing hindi pa niya nababasa ang Leviticus.
Idinagdag pa niya na hindi niya inaalipusta ang mga bakla o iba pang kasapi ng third sex dahil kahit sa sariling pamilya ay may mga bakla.
“Hindi ako against sa mga bakla ang ayaw ko lang, ang against lang ako ay yung sin, you commit sin, it’s a sin if you have same sex marriage,” wika ni Pacquiao na lumabas sa GMA news kagabi.
Kung ano ang epekto ng paliwanag na ito ni Pacquiao sa hanay ng mga kasapi ng third sex ay malalaman sa mga darating na araw.
Maliban sa kampanya para ipatanggal siya sa Nike, hindi na rin natuloy ang sana’y pagbisita niya sa US television show “Extra” na ginagawa sa The Grove sa LA.
Ang interview ay dapat gagawin sa Huwebes (Manila time).
“Based on news reports of statements made by Mr. Pacquiao we have made it know that he is not welcome at The Grove and will not be interviewed here now or in the future. The Grove is a gathering place for all Angelenos and not a place for intolerance,” wika ng press statement ng management ng The Grove.