Lady Tamaraws, Bulldogs maglalaglagan sa quarters

MANILA, Philippines - Agawan sa mahala­gang panalo na magsisilbi ring tiket para sa quarterfinals ang magaganap sa pagitan ng FEU at NU sa pagpapatuloy ng 9th Shakey’s V-League na handog ng Smart ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Ang laro ay itinakda sa sa alas-2 ng hapon at ang Lady Tamaraws at Lady Bulldogs ay nagbabalak na tuhugin ang ikalawang panalo sa group A upang samahan ang nagdedepensang Ateneo sa susunod na yugto ng laban.

Sasalang din ang Eagles laban sa Southwestern University sa ganap na alas-4 ng hapon at balak walisin ng una ang apat na laro sa group elimination sa palarong inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza at may ayuda rin ng Accel at Mikasa.

Ang huling laro dakong alas-6 ay sa pagitan ng UST at University of St. La Salle Bacolod at hanap ng Lady Tigresses na saluhan sa unang puwesto ang pahingang San Sebastian sa 3-0 baraha.

Bumangon ang Lady Tamaraws mula sa unang kabiguan nang daigin ang Lady Cobras habang ang Lady Bulldogs ay nanalo rin sa SWU upang tapusin ang dalawang sunod na kabiguan na bumulaga sa ginagawang kampanya sa liga.

Limitahan ang pagkilos ng matangkad at mahusay na si Dindin Santiago ang isa sa dapat gawin ng Lady Tamaraws.

Ang 6-footer na si Santiago ay kumawala ng 31 hits sa laro kontra sa SWU.                      

Maliban sa depensa, dapat ding pumutok ang mga Lady Tamaraws sa pangunguna ng Thai import Eve Sanorseang bukod pa sa mga locals na sina Rosemarie Vargas, Wenneth Eulalio at Marie Basas.

Para sa mga nagnanais na mapanood ang laro sa live streaming, tumungo lamang sa website ng liga na www.v-league.ph.

Show comments