NLEX dumiretso sa 7-dikit na panalo
MANILA, Philippines – Nagwakas na ang losing streak ng Café France habang nagpatuloy naman ang winning run ng NLEX nang nagsipanalo ang dalawang koponang ito sa kanilang mga laro sa pagpapatuloy ng PBA D-League Foundation Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
May 20 puntos at 14 rebounds si Marion Magat habang 17 at 11 pa ang ibinigay nina Josan Nimes at Jens Knuttel para sa Bakers na nagtrabaho agad sa unang yugto upang mahawakan ang 31-14 bentahe tungo sa pagputol sa four-game winning streak nang kunin ang ikalawang panalo matapos ang anim na bakbakan gamit ang 81-68 iskor.
Lumobo sa 26 puntos sa halftime ang bentahe ng tropa ni coach Edgar Macaraya, 55-29, dahil mainit ang Bakers sa pagbuslo nang makagawa ng 51% shooting.
Ang panalo ay nag-akyat sa Bakers sa pagsosyo sa ikaanim hanggang ikawalong puwesto kasalo ang Boracay Rum at Erase Plantcenta para manatiling palaban sa puwesto sa quarterfinals.
“Kailangang maipanalo namin ang dalawa sa huling tatlong laro para magkaroon pa ng tsansa,” pahayag ni Macaraya.
Samantala, dumiretso sa ikapitong panalo ang Road Warriors nang durugin din ang Cagayan Rising Suns, 84-53, sa ikalawang laro.
Hindi nanlamig ang matikas na larong nakikita kay Clifford Hodge sa dominanteng 16 puntos, 10 rebounds, 5 blocks, 4 assists at 1 steal sa 28 minutong paglalaro habang sina Eman Monfort, Chris Ellis at Clifford Arao ay naghatid ng 15, 11 at 10.
Umiskor ng 31 puntos ang NLEX sa unang yugto para sa 18 puntos bentahe, (31-13) at mula rito ay hindi na nilingon pa ang Suns na nalaglag sa 0-7 baraha.
- Latest
- Trending