MANILA, Philippines - Tumapos lamang ang pambatong weightlifter sa kababaihan na si Hidilyn Diaz sa ikaapat na puwesto sa idinaos na Asian Championships-Continental Olympic qualifying event sa Pyeongtaek, Korea mula Abril 22 hanggang 30.
Ang 20-anyos na si Diaz na nakalaro sa Beijing Olympics bilang wildcard ay nagrehistro ng 95kg. sa snatch, 122kg. sa clean and jerk para sa kabuuang 217kg. total lift sa 58kg. division.
Ang naitala sa clean and jerk at total lift ay tumabon sa kanyang dating pinakamataas na 120kg. at 215kg. noong 2011 Philippine National Games sa Bacolod City.
Pero ang markang ito ay sapat lamang para malagay ang tubong Zamboanga City lifter sa pang-apat na puwesto kasunod nina SEAG gold medalist Pimsiri Sirikaew ng Thailand, Kuo Hsing Chun ng Chinese-Taipei, at Jun Zhou ng China.
Si Sirikaew ay gumawa ng 100kg. sa snatch at 131kg. sa clean and jerk para sa 231kg. total, ang 19-anyos na si Chun ay may 98kg. sa snatch at 130kg. sa clean and jerk para sa 228kg., at si Zhou ay may 95kg. at 125kg. para sa 220kg. total.
Dahil sa nangyari, nanganganib si Diaz na ‘ di makalaro sa London Olympics dahil sinasabing ang unang tatlong tatapos sa bawat kategorya ang siyang may puwesto sa Olympics.