Handa Na Rin Para Sa Governors Cup
Wala naman sigurong umapela nang parangalan bilang Best Import ng PBA Commissioners Cup si Denzel Bowles ng B-Meg Llamados.
Deserving naman siya, e.
At ito’y hindi bunga ng pangyayaring siya lang a ng original import na nakarating sa best-of-seven Finals ng kasalukuyang torneo. Hindi ba’t si Bowles ay nandito na since Day One ng torneo bilang import ng Llamados?
Ang mga ibang teams ay nagpalit ng import. Ang Talk N Text, na siyang katunggali ng B-Meg sa Finals, ay nagsimulang si Omar Hassan Samhan ang import. Tumagal ito ng tatlong games bago nagtamo ng knee injury kung kaya’t kinuha ng Tropang Textters si Donnel Harvey.
Bukod sa B-Meg, ang mga teams na hindi nagpalit ng import ay ang Alaska Milk (Adam Parada), Rain or Shine (Duke Crews) at Air21 (Marcus Douthit).
Ang Rain or Shine at Air21 ay kapwa hindi nakarating sa quarterfinals. Ang Aces ay tinalo ng Barako Bull sa quarterfinals. So, hindi na rin nagkaroon ng tsansang maging Best Import ang kani-kanilang mga reinforcements.
Pero bukod sa original nga si Bowles, aba’y talaga namang impressive performer ito. Bagamat siya ang pinakabatang import (na magdiriwang ng ika-23 kaarawan niya bukas, May 1), aba’y malaki ang naging tulong niya para umabot sa Finals ang Llamados.
At sa championship round ay patuloy na binubuhat ng James Madison University standout ang Llamados.
Well, mukhang napaghandaang mabuti ni coach Tim Cone ang mga conferences na katatampukan ng imports sa season na ito.
Kasi, matapos na ipakilala sa mga fans si Bowles sa Commisisoners Cup, aba’y isang panibagong mukha na naman ang pararatingin ng Llamados para sa Governors Cup na mag-uumpisa sa Mayo 20.
Kinuha ng B-Meg si Marcus Blakely, isang dating Slam Dunk Champion na may intensity na tulad ni Marc Pingris. Ayon nga kay Cone ay times two pa ang intensity ni Blakely kumpara kay Pingris.
“It’d be really interesting to see him and Ping play together,” ani Cone patungkol kay Blakely na may tangkad na 6-5 at produkto ng University of Vermont.
“He’s a true power forward. He’s 6-5, but he plays like he’s 6-8, 6-9,” dagdag ni Cone.
Si Blakely ay lumahok sa 2010 NBA Summer League sa Los Angeles Clippers at pinapirma ng two year partially guaranteed contract na nagkakahalaga ng $473,604 kada taon. Subalit pinakawalan siya pagkatapos ng training camp. Noong nakaraang taon ay muli siyang lumagda sa isang multi-year non guaranteed contract sa Houston Rockets subalit binitiwan siya noong Dsyembre 22.
Sa NBA D-League, ay naging 12th pick siya noong 2010 draft. Siya ay nag-average ng 16.1 points, pitong rebounds, 3.3 assists, 2.2 steals, at 1.1 blocks sa 18 games para sa Sioux Falls Skyforce noong nakaraang season bago ipinamigay sa Iowa Energy kapalit ng isang first round pick. Sa Iowa, siya ay nag-average ng 13.4 puntos, 5.6 rebounds, 1.9 assists, 1.3 steals, at 1.5 blocks sa walong games.
Hindi pa nga nakakatapak sa NBA regular season itong si Blakely pero impressive ang kanyang mga numero Malay natin, magsilbing stepping stone para sa kanya ang PBA at pagkatapos ay makapaglaro na rin siya sa NBA.
Maraming dating PBA imports ang dumaan sa landas na iyan, e.
- Latest
- Trending