MANILA, Philippines - Dumaan man sa matinding pagsubok ay nangibabaw pa rin ang championship experience na taglay ng Ateneo upang talunin ang National University, 25-15, 26-24, 20-25, 25-14, at umabante na sa quarterfinals sa 9th Shakey’s V-League na handog ng Smart at naglaro kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Hindi napigilan sa pag-atake sina Fille Cainglet at Alyssa Valdez sa ikaapat at huling set para dagitin ng Lady Eagles ang ikalawang sunod na panalo na sapat na para iabante ang sarili sa susunod na yugto ng torneo sa kompetisyong inorganisa ng Sports Vision at suportado ng Shakey’s Pizza.
Tig-15 hits ang ginawa nina Cainglet at Valdez at nagsanib sa 27 kills habang sina Angeline Marie Gervacio at Lithawat Kesinee ay may 13 at 12 hits. May pinagsamang 7 blocks sina Gervacio at Kesinee para pangunahan ang depensa ng defending champion.
Hindi naman nasiyahan si coach Roger Gorayeb sa ipinakita ng mga bataan dahil nagrelax ang mga ito dahilan upang muntik silang matalo.
“Sumasabay na lang sa laro ng kalaban sa kalagitnaan at nawala ang aggressiveness. Hindi na rin dumedepensa,” himutok ni Gorayeb.
Si Dindin Santiago ay mayroong 22 hits para pangunahan ang Lady Bulldogs na nalaglag sa 0-2 karta at nalalagay sa peligro na lumasap ng maagang bakasyon sa ligang may ayuda rin ng Mikasa at Accel.