MANILA, Philippines - Sa kanilang ikalawang sparring session ni Ruslan Provodnikov noong Sabado, isang sugat sa ilalim ng kaliwang mata naman ang natamo ng Russian light welterweight prospect mula kay Manny Pacquiao.
Ito ay matapos mabukulan ang 5-foot-6 na si Provodnikov sa ilalim ng kanyang kanang mata sa kanilang unang araw ng sparring ni Pacquiao noong Biyernes.
Ipinagbawal na ni trainer Freddie Roach ang pagkuha ng larawan at pagkuha ng video kaugnay sa ginagawang pag-eensayo ng Filipino world eight-division champion para hindi sila masilip ng kampo ni Timothy Bradley, Jr.
Itataya ng 33-anyos na si Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban sa 28-anyos na si Bradley sa Hunyo 9 sa MGM Grand sa Las Vegas,Nevada.
Pansamantalang inihinto nina Pacquiao at Roach ang kanilang training para sa isang bible study na pinangunahan kahapon ng Sarangani Congressman.
Nakatakdang bumaba ang Team Pacquiao sa Maynila sa Huwebes bago bumiyahe patungong Los Angeles, California para ipagpatuloy ang kanilang pagsasanay sa Wildcard Boxing Gym ni Roach.
Samantala, kinuha naman ni trainer Joel Diaz ang kanyang kapatid na si dating world lightweight titlist Julio Diaz bilang isa sa tatlong sparmates ni Bradley sa kanilang training camp sa Indio, California.
Nakipag-spar si Bradley ng tig-dalawang rounds kina Eric Fowler ng Texas, Andre Sherard ng Milwaukee at tatlong rounds kay Julio.