MANILA, Philippines - Kailangang mailabas ng AirAsia Philippine Patriots ang markang nakatatak sa kanilang bagong uniporme sa pagharap sa Indonesia Warriors sa pagpapatuloy ngayon ng AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Nakatatak na sa kanilang uniporme ang salitang “Kagitingan” bilang pagbibigay-pugay ng koponang pag-aari nina Mikee Romero at Tony Boy Cojuangco sa mga sundalong namatay noong ikalawang digmaan.
Dapat na ilabas ng Patriots ang kanilang kagitingan sa larong itinakda sa ganap na alas-4 ng hapon dahil posibleng si Anthony Johnson lang ang import na kanilang magagamit.
Ang 7-footer na si Chris Alexander na naglaro sa Patriots nang lasapin ang 78-93 pagkatalo sa San Miguel Beermen sa huling asignatura, ay biglang umuwi dahil umano sa problema sa pamilya.
Ayon kay Patriots team manager Erick Arejola, susulat siya sa international basketball body FIBA para patawan ng global ban si Alexander dahil sa biglang pag-iwan sa koponan.
Wala ring balak na bigyan ni Arejola ng release paper si Alexander upang hindi siya makapaglaro sa ibang koponan.
“What Alexander did was very unprofessional. We will write FIBA and request a global ban. We will not issue a release for him. He need our release to be able to play for any other team under FIBA rules,” pahayag ni Arejola na ipinaalam na rin ang nangyari kay Romero na nasa ibang bansa.
Tinatangka ng Patriots na ibalik si Nakiea Miller pero hindi pa tiyak kung papayag ang pamunuan ng ABL dahil tapos na ang deadline sa pagpapalit ng imports.