SMBeer pasok sa semis
MANILA, Philippines - Winalis ng San Miguel Beermen ang tatlong laro sa elimination nila ng AirAsia Philippine Patriots gamit ang mas dominanteng 93-78 panalo sa 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) kagabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Tulad ng inaasahan, nakitaan uli ng bangis ang mga kamador ng Beermen na sina Leo Avenido, Duke Crews at Nick Fazekas para madomina ng tropa ni coach Bobby Parks Sr. at sungkitin ang ikalawang puwesto sa semifinals sa paghagip ng ika-13 panalo sa 17 laro.
Humakot ng tig-23 puntos sina Avenido at Crews at ang 6’8 import ay sumablay lamang ng isang buslo sa 11 binitiwan kasama pa ang limang dunks.
Ang 6’11 na si Fazekas ay mayroong 16 puntos at 16 rebounds bukod pa sa 4 blocks, 3 assists at 2 steals habang ang bagong pasok na si Chris Banchero ay may 11 puntos.
Pinakamalaking lamang ng Beermen ay 23 puntos sa 86-63 at ang SMBeer ngayon ay nakadikit ng kalahating laro sa Patriots na nalaglag sa 13-3 baraha.
May 30 puntos si Anthony Johnson habang ang bagong kuha na si Chris Alexander ay may 16 puntos, 12 rebounds at 3 blocks.
Naghatid ng 22 puntos sina Warren Ybañez at Ardy Larong ngunit ininda ng Patriots ang mahinang kontribusyon mula sa mga 6’6 players na sina Aldrech Ramos at Angel Raymundo na nagsama lamang sa tat-long puntos.
Si Ramos ay hindi man lang nakahablot ng rebound sa 14 minutong paglalaro para sumikip ang tagisan ng dalawang koponan mula sa Pilipinas sa mahalagang number one spot na magtataglay ng homecourt advantage sa kabuuan ng playoffs.
- Latest
- Trending