MANILA, Philippines - Sa likod ng inspiradong laro ni two-time PBA Best Import Gabe Freeman, lumapit ang Energy sa kanilang inaasam na championship ticket.
Ito ay matapos talunin ng Barako Bull ang nagdedepensang Talk ‘N Text, 85-81, sa Game Three sa kanilang semifinals series para sa 2012 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Cuneta Astrodome.
Bumalikwas ang Energy mula sa kanilang 98-123 kabiguan sa Game Two para kunin ang 2-1 abante sa kanilang best-of-five semifinals showdown palapit sa isang finals appearance.
Kaagad na itinala ng Energy ang 17-7 lamang sa 4:37 ng first period bago ito pinalobo sa isang 21-point lead, 54-33, sa 8:56 ng third quarter buhat kina Freeman at two-time PBA Most Valuable Player Willie Miller.
Ngunit nagtuwang sina import Donnell Harvey, Jimmy Alapag at Harvey Carey para ilapit ang Tropang Texters sa 54-60 agwat sa 1:20 ng nasabing yugto.
Samantala, posibleng maging 20 players ang bubuo sa national training pool na pagkukuhanan ni head coach Chot Reyes para sa Smart Gilas II.
Inialok ng Philippine Basketball Association (PBA) kay Reyes ang serbisyo nina 6-foot-8 Japeth Aguilar at Jarred Dillinger ng Talk ‘N Text, Jeff Chan ng Rain or Shine at Sol Mercado ng Meralco para sa nauna nang 16 miyembro ng national training pool.
Ayon kay Reyes, ikukunsidera niya sina Aguilar, Dillinger, Chan at Mercado ngunit hindi pa tiyak ang kanyang pagkuha sa kanila.
Ang 16 players na hinirang ni Reyes para sa national training pool ay sina Kelly Williams, Jimmy Alapag, Jayson Castro, Ranidel de Ocampo, Larry Fonacier at Ryan Reyes ng Talk ‘N Text, Gary David at rookie Marcio Lassiter ng Powerade, Gabe Norwood ng Rain or Shine, Enrico Villanueva ng Barangay Ginebra, LA Tenorio at Sonny Thoss ng Alaska, James Yap at Marc Pingris ng B-Meg at sina Arwind Santos at Alex Cabagnot ng Petron Blaze.