MANILA, Philippines - Hindi si import Denzel Bowles o two-time PBA Most Valuable Player James Yap ang nagbida para sa Llamados sa krusyal na bahagi ng laro kundi si PJ Simon.
Isinalpak ni Simon ang apat na freethrows sa huling minuto ng fourth quarter upang tulungan ang B-Meg sa 83-77 paggupo sa Barangay Ginebra at angkinin ang malaking 2-0 bentahe sa kanilang semifinals series para sa 2012 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa harap ng 11,818 fans sa Smart-Araneta Coliseum.
Isang panalo na lamang ang kailangan ng Llamados para walisin ang kanilang best-of-five semifinals showdown ng Gin Kings papasok sa best-of-seven championship series.
“Siyempre, ang tendency ng team mag-relax kasi may 2-0 lead kami. Pero sabi nga ni coach (Tim Cone) dapat mas maging aggressive kami every game,” sabi ni Yap, tumapos na may 16 points at 4 rebounds.
Matapos ang three-point shot ni Josh Urbiztondo para sa 75-68 abante ng B-Meg sa 5:04 ng fourth quarter, nagtuwang naman sina Mike Cortez at KG Canaleta upang itabla ang Ginebra sa 75-75 sa huling 2:49.
Isang jumper ni Simon ang muling naglagay sa Llamados sa unahan, 77-75, kasunod ang mintis nina Jayjay Helterbrand at Canaleta na nagresulta sa apat na sunod na freethrows ni Simon para iwanan ang Gin Kings sa 81-75 sa natitirang 6.0 segundo.
Samantala, habang tumatagal naman ang serye ng nagdedepensang Talk ‘N Text at Barako Bull ay lalong nagiging pisikal ang kanilang laro.
“It’s very very physical out there,” ani coach Chot Reyes matapos ang 123-98 panalo ng Tropang Texters laban sa Energy sa Game Two noong Huwebes na nagtabla sa kanilang semifinals showdown sa 1-1.
Target ng Talk ‘N Text ang 2-1 bentahe sa kanilang serye ng Barako Bull sa kanilang banggaan sa Game Three ngayong alas-7:15 ng gabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Sa Game Two, nilimitahan ng Tropang Texters si two-time PBA Best Import Gabe Freeman sa second hanggang fourth quarter matapos umiskor ng 15 points sa 26-25 lamang ng Energy sa first period.
B-Meg 83 - Bowles 21, Yap 16, Simon 15, Urbiztondo 12, Pingris 12, Intal 3, Devance 2, Reavis 2, Barroca 0, Burtscher 0, Villanueva 0, De Ocampo 0.
Ginebra 77 - Canaleta 19, Cortez 17, Vroman 10, Helterbrand 8, Hatfield 8, Ababou 6, Raymundo 5, Wilson J. 3, Wilson W. 1, Labagala 0, Mamaril 0.
Quarterscores: 23-19, 37-41, 63-59, 83-77.