Talk N Text pumantay sa 1-1
MANILA, Philippines - Kagaya ng dapat asahan, bumangon ang Tropang Texters mula sa isang kabiguan sa Game One para itabla ang kanilang semifinals series ng Energy.
Kasabay ng paglimita kay two-time PBA Best Import Gabe Freeman sa second hanggang fourth quarter, inilampaso ng nagdedepensang Talk ‘N Text ang Barako Bull, 123-98, sa Game Two ng kanilang serye para sa 2012 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Bumawi ang Tropang Texters mula sa kanilang 77-84 pagyukod sa Energy sa series opener noong Martes upang itabla sa 1-1 ang kanilang best-of-five semis showdown.
“We’ve got to be prepared on whatever adjustments they are going to make in Game Three,” sabi ni head coach Chot Reyes sa kanilang paghaharap ng koponan ni Junel Baculi bukas sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Umiskor si Freeman ng 15 points sa first period kung saan umangat ang Barako Bull bago siya pinatahimik ni Jared Dillinger para kunin ng Texters ang isang 12-point lead, 57-45, sa bungad ng third quarter.
Ipinoste ng Tropang Texters ang malaking 111-88 kalamangan sa 6:23 ng final canto mula sa three-point shot ni Larry Fonacier upang selyuhan ang kanilang tagumpay laban sa Energy.
Samantala, pupuntiryahin naman ng B-Meg ang malaking 2-0 bentahe sa kanilang best-of-five semifinals showdown ng Barangay Ginebra sa Game Two ngayong alas-6:45 ng gabi sa Smart-Araneta Coliseum.
Inilampaso ng Llamados ang Gin Kings, 82-67, kung saan nilimita ng B-Meg si import Jackson Vroman sa 10 points matapos umiskor ng 7 markers sa first period kung saan kinuha ng Ginebra ang 21-8 kalamangan bago kumulapso sa second half.
Malaki ang naging epekto ng hindi paglalaro ni Mark Caguioa na nagkaroon ng orbital stress fracture sa kanyang kanang mata sa panalo ng Ginebra sa B-Meg sa kanilang playoff para sa ikalawang outright semifinals berth noong Marso 30.
Talk N Text 123 - Harvey 24, De Ocampo 18, Fonacier 14, Reyes 13, Williams 12, Alapag 12, Castro 10, Dillinger 9, Carey 6, Raymundo 3, Gamalinda 2, Aguilar 0, Alvarez 0, Lao 0.
Barako 98 - Freeman 20, Allado 20, Seigle 16, Tubid 10, Miller 10, Aquino 6, Najorda 5, Salvador 5, Peña 4, Arboleda 2, Pennisi 0.
Quarterscores: 24-25, 55-45, 88-76, 123-98.
- Latest
- Trending