PABA hihingi ng tulong sa US Major coaches
MANILA, Philippines - Hihingi ng tulong ang Philippine Amateur Baseball Association (PABA) sa mga kakilala sa US Major League Coaching Envoys upang tumulong sa paghahanap ng mga Fil-foreign players na magpapalakas sa pambansang koponan.
Kailangang tumibay ang lakas ng pambansang koponan dahil sasagupa sila sa World Baseball Classic qualifying round na kung saan ang Pilipinas ay kasama ng Chinese-Taipei, New Zealand at Thailand na gagawin sa Taipei sa bandang Nobyembre.
Ang mangunguna sa grupo matapos ang elimination round ang siyang aabante sa tournament proper sa 2013.
“Sumulat na ako sa mga US Major League Coaches na bumisita na sa atin katulad ni Jim Ramos para tulungan tayo sa paghahanap ng mga Fil-Ams na puwedeng maglaro sa national team. Kung makakakuha tayo ng isang mahusay na pitcher at slugger at palagay ko ay palaban na tayo,” wika ni PABA president Hector Navasero.
Ang national batters ay sariwa sa pagkapanalo ng ginto sa 26th Southeast Asian Games sa Indonesia at ang manlalarong bumuo sa koponan ang siya ring kakatawan sa Baseball Classic.
- Latest
- Trending