Win no. 4 pakay ng Road Warriors vs Bakers
MANILA, Philippines - Magpapakatatag pa ang mga koponang may winning record sa pagbabalik ng PBA D-League Foundation Cup sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Unang sasalang ang nagdedepensang NLEX sa Café France sa ganap na alas-12 ng tanghali bago sumunod ang Jr. Powerade kontra sa Boracay Rum dakong alas-2 ng hapon.
Ikaapat na dikit na panalo ang nakataya sa Road Warriors sakaling manalo pa sa Bakers na may 1-2 baraha.
Bagamat solido ang ipinakikitang laro ng back-to-back titlist na NLEX, ayaw pa rin magkumpiyansa ni coach Boyet Fernandez at sabihing madaling laro ito.
“May kakayahan ang Café France na manalo sa kahit kaninong koponan. Galing din sila sa dalawang sunod na talo kaya’t tiyak na gusto nilang bumawi kaya hindi kami dapat magpabaya,” ani Fernandez.
Ang Bakers ay dumapa sa kamay ng Big Chill at Cebuana Lhuillier at kailangan nilang magpakita ng ibayong laro lalo pa’t ang Road Warriors ay hindi lamang nakikitaan ng lakas sa opensa kundi maging sa depensa dahil nililimitahan lamang nila ang mga nakalaban sa 62 puntos.
Itala ang kauna-unahang winning streak sa conference ang magpapaalab pa sa laro ng Tigers kontra sa Waves na hanap na makaisa matapos ang tatlong sunod na pagkatalo.
Papasok ang tropa ni coach Ricky Dandan mula sa 67-61 panalo sa rookie team na Cagayan Rising Suns at aasa siyang patuloy na makikitaan ng intensidad ang kanyang bataan na manlalaro rin ng UP.
Hindi naman basta-basta susuko ang Waves at gagawin nila ang lahat ng makakaya para makuha ang unang panalo at wakasan ang pinakamasamang panimula sa tatlong conference na pagsali sa liga.
- Latest
- Trending