MANILA, Philippines - Ipamamalas ni Nick Fazekas ang angking galing sa pagsabak ngayon ng San Miguel Beermen laban sa Westports Malaysia Dragons sa pagpapatuloy ng 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) sa MABA gym sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sa ganap na alas-3 ng hapon itinakda ang bakbakan at ang Beermen ay magpupumilit na manalo upang pawiin ang tinamong 77-83 at 70-73 pagkatalo sa kamay ng Dragons.
Matibay ang laban ngayon ng tropa ni coach Bobby Parks Sr. dahil bukod sa problemado sa injuries sa kanilang mga imports ang Dragons ay nagpalakas pa ang Beermen sa paghugot sa 6’11 na si Fazekas na naghatid ng 30 puntos, 18 rebounds, 2 assists, 2.3 blocks at 1.1 steals sa pitong laro sa PBA suot ang uniporme ng Petron Blaze na sister team ng Beermen.
Si Crews ay nasa ikalawang laro sa koponan at nagtala ng 11 puntos at 11 rebounds nang tulungan ang Beermen sa 71-69 panalo laban sa Indonesia Warriors sa huling laro.
May 11-4 baraha ang Beermen at ang makukuhang panalo ay magtitiyak sa koponan sa playoff para sa semifinals na nauna nang naokupahan ng AirAsia Philippine Patriots nang angkinin ang 84-78 panalo sa Bangkok Cobras para sa 13-2 baraha.
May 7-7 baraha ang Dragons na napilay dahil ng injuries kina Brian Williams at Tiras Wade na kahit nag-eensayo na ay hindi pa tiyak kung gagamitin sa labang ito.
Pero anuman ang maging desisyon sa dalawang imports, tiniyak ni Filipino coach ng Dragons na si Ariel Vanguardia na gagawin nila ang lahat ng makakaya para makatatlong sunod sa expansion team mula Pilipinas.