Stage Four ng 2012 Le Tour De Filipinas magiging pahirapan sa mga siklista
MANILA, Philippines - Ang siklistang kayang paamuin ang mapanghamong akyatin sa ikaapat at huling stage ng 2012 Le Tour de Filipinas ang siyang hihiranging kampeon ng karerang handog ng Air21.
Ito ang binanggit ni Paquito Rivas, ang 1979 Tour champion at Eagle of the Mountain, sa kalalabasan sa apat na araw na karera sa bisikleta mula Abril 14 hanggang 17 na suportado rin ng Smart bukod sa ayuda ng Foton at Jinbei.
“Mahirap ang akyatin. Hindi tulad ng dati na sa Kennon Road lamang ang akyat. Dito magkakasukatan ng lakas sa lakas,” wika ni Rivas na pangulo rin ng Philippine National Cycling Association (PNCA) na siyang magpapatakbo sa karerang inorganisa ng Dynamic Outsource Solution Inc. (DOS-I).
May limang local teams at 11 dayuhang koponan ang maglalaban sa apat na araw.
Magsisimula ang labanan sa Abril 14 na isang 155-kilometrong karera mula Port Irene sa Sta. Ana patungong Tuguegarao City.
Ang Stage Two ay isang 110-km race mula Tuguegarao papuntang Cauayan City at kinabukasan ay isang 102-km na karera mula Cauayan hanggang Bayombong ang babagtasin ng mga kalahok.
Ang rutang 153km. sa Stage Four mula Bayombong patungo sa Burnham Park sa Baguio ay dadaan sa Northern Alps.
- Latest
- Trending