Training ng national athletes sa China 'di na tuloy
MANILA, Philippines - Sa nalalabing tatlong buwan bago ang 2012 Olympic Games sa London, gahol na sa panahon kung magsasanay pa ang mga national athletes sa China.
Ito ang sinabi ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richie Garcia matapos magtungo sa China kamakailan para makausap ang mga opisyales ng Chinese Sports Ministry (CSM).
“Sad to say that it seems a little bit late in the day for our Olympic-bound athletes to just go there and train,” wika ni Garcia. “But rest assured that our athletes are in an intensive training.”
Maliban sa kagahulan sa panahon, gagastos din ang PSC ng $700 kada buwan para sa bawat atleta na magsasanay sa China.
Tanging si light flyweight Mark Anthony Barriga pa lamang ang opisyal na nakapasok sa 2012 London Olympics makaraang tumapos sa ikatlong puwesto sa 2011 World Amateur Boxing Championships sa Baku, Ajerbaijan.
Nakatakda ang nasabing quadrennial event sa Hulyo 27 hanggang Agosto 12.
Inaasahan na ring maglalaro sa London Games si Southeast Asian Games long jump queen Marestella Torres, samantalang may isa pang mandatory entry ang athletics at shooting at dalawa sa swimming.
Sa 2008 Olympics sa Beijing, kabuuang 15 atleta ang ipinadala ng bansa, samantalang 14 naman ang inilahok sa Athens, Greece noong 2004.
- Latest
- Trending
















