MANILA, Philippines - Hindi naniniwala ang dating light heavyweight champion at ngayon ay kilalang boxing trainer Eddie Mustafa Muhammad na maaapektuhan si Manny Pacquiao sa mga problemang kinakaharap laban sa Bureau of Internal Revenue.
Ang katuwiran ni Muhammad, laging isinasaalang-alang ni Pacquiao ang karangalang maibibigay sa bansa at mga kababayan kaya’t tiwala siyang kapag umakyat na ng ring ang pambansang kamao ay wala itong iisipin kundi ang kanyang laban kontra sa walang talong si Timothy Bradley (28-0).
“All of those distractions are going to right out the window when the bell rings because of the type of guy that Pacquiao is. He feeds off of his countrymen.And he’s going to bring his ‘A’ game,” wika nito.
Tulad naman ng paniniwala ng ilan, kumbinsido rin si Muhammad na hindi ito madaling laban para sa kasalukuyang pound for pound king kahit si Bradley ang siyang aakyat ng timbang.
Itataya ni Pacman ang hawak na WBO welterweight title sa Hunyo 9 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas laban kay Bradley na hari ng WBO light welterweight division.
Si Pacquiao ay magsisimula na ng kanyang pagsasanay sa ilalim ni trainer Freddie Roach at conditioning coach Alex Ariza.
Nais ng natatanging 8-time world champion sa magkakaibang dibisyon na magkaroon ng kumbinsidong panalo upang mabura sa isipan ang majority decision win na kinuha laban kay Juan Manuel Marquez noong nakaraang Nobyembre.
Dahil sa paniniwalang mauuwi sa balikatan ang labanan, ang mananalo kina Pacquiao at Bradley ay dapat na umanong ilaban kay Floyd Mayweather Jr. kung magwagi ito sa kanyang pakikipagharap kontra kay Miguel Cotto sa Mayo 5 sa MGM Grand Arena.
Si Muhammad ay dating hari ng WBA light heavyweight 80s at noong nagretiro ay naging trainer at tinulungan ang mga tulad nina Iran Barkley, Joan Guzman, Johnny Tapia at Zab Judah sa kanilang boxing career.