Sharks bubuksan ang kampanya vs Patriots

MANILA, Philippines - Ipapakita ng Manila Sharks na may ibubuga pa rin sila kahit nawala sa koponan ang pitong national players sa pagharap sa Taguig Patriots sa pagbubukas ngayon ng Season 9 Baseball Philippines sa Rizal Memorial Baseball Field.

Ikalawang laro ito sa triple-header at ang koponang suportado ng Harbour Centre at pinupuntirya ang ika­apat na sunod na titulo ay maglalaro ng wala na ang mahuhusay na pitchers na sina Charlie Labrador at Jon Jon Robles.

Ang mga national players na kasali sa anim na ko­ponang liga ay liliban sa torneo upang maghanda sa paglahok ng Pilipinas sa World Baseball Classic elimination sa Chinese -Taipei sa Nobyembre.

“Mas mahirap ngayon dahil pito ang national players naming pero lalaban kami ng sabayan,” wika ni team manager Eric Cadavillo.

Ang unang magbabakbakan ay ang Alabang Tigers at Batangas Bulls sa ganap na ika-9 ng umaga habang ang Cebu Dolphins at Dumaguete Unibikers ang mag­papang-abot sa huling laro dakong alas-2.

Show comments