Elite, Erasers Maghihiwalay

MANILA, Philippines - Pipilitin ng Blackwater Sports na bumangon sa pag­kadapa sa huling laro ha­bang ikalawang dikit na tagumpay naman ang nais ng Big Chill sa pagpapatuloy ngayon ng PBA D-League Foundation Cup sa The Arena sa San Juan City.

Bumagsak ang Elite sa mas batang koponan na Jr. Powerade sa huling laban, 79-84, upang malaglag sa 1-1 ang tropa ni coach Leo Isaac at makasalo ang Su­per Chargers, Erase Plantcenta at Tigers.

Ang laban ay itinakda sa alas-2 ng hapon at ka­su­­katan ng Blackwater Sports ang Erasers na magbabalak na sundan ang kahanga-hangang 90-68 pagdurong sa gaya nilang rookie team na Ca­ya­gan Rising Suns sa hu­ling asignatura.

Tiwala si Isaac na ibang laro na ang matutunghayan sa kanyang mga alagad matapos ang di inaasa­hang kabiguan sa Tigers na binubuo ng mga manlalaro ng UP.

Handa naman ang Era­sers na hawak ni Yong Gar­cia na maipagpatuloy ang panggugulat upang maipakitang handa ang koponan sa asam na magandang pagtatapos sa unang conference ng liga.

 Si Francis Rodriguez pa rin ang hahawak sa Cagayan dahil sineserbis­yuhan ni rookie coach Alvin Pua ang pangalawa sa tatlong larong suspension na ipinataw sa kanya dala ng panununtok ng referee sa isang tune-up game.

Samantala, pinatawan ni PBA Commissioner Chito Salud ng multang P2,500 sina Woody Co, Borgy Her­mida, Cliff Hodge, Jaypee Belencioni at Garvo Lanete ng NLEX dala ng kanilang partisipasyon sa suntukan na nangyari sa laro ng Road Warriors at RnW Pacific Pipes noong nakaraang Huwebes.

Show comments