Beermen kumuha ng 2 bagong import para palakasin ang kampanya sa ABL
MANILA, Philippines - Pinalakas pa ng San Miguel Beermen ang kanilang laban sa 3rd Air- Asia ASEAN Basketball League sa pagkuha ng mga bagong imports.
Si Willard Vincent Duke Crews Jr. ay napapirma na ng Beermen kahalili ni Dalron Johnson habang may ulat na si Nick Fazekas ay darating din upang halinhinan si Jarrid Famous sa hangarin ng koponan na mas mapag-init ang kampanya sa walong koponang liga.
Sa ngayon ay nasa ikalawang puwesto ang koponang hawak ni coach Bobby Ray Parks Jr. sa 10-4 baraha ngunit galing sila sa talo sa kamay ng Saigon Heat noong Sabado, 63-66, na nilaro sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
“San Miguel Beermen has signed Duke Crews to replace Dalron Johnson and he will play his first game against Indonesia Warriors on Saturday,” wika ni SMC sports consultant Noli Eala.
Si Johnson ay naghahatid ng 18.4 puntos, 9.7 rebounds at 2.9 assists sa naunang 14 na laro ng koponan ngunit nalimitahan lamang siya sa 2 puntos sa natalong laro kontra sa bagitong Heats.
Naglaro si Crews sa Rain or Shine pero libre ng sumali sa ibang liga dahil namaalam na ang Elasto Painters sa PBA Commissioner’s Cup.
Mas titikas ang Beeermen sa pagpasok ni Fazekas na naghatid ng impresibong numero na 30.6 puntos, 18 rebounds, 2.3 blocks, 2 assists at 1.1 steals habang suot ang uniporme ng Petron Blaze.
Pero hindi kinaya ng 6’11 import na bitbitin sa mas magandang karta ang Petron dahil may 3-4 win-loss siya nang palitan ni Will McDonald.
Sa official twitter ni Fazekas, sinabi niyang tinanggap na niya ang alok na maglaro sa Beermen.
Sa pagpasok ng dalawang bagong import, ang Beermen ang siyang lalabas na may pinamakaraming palitan ng dayuhang manlalaro dahil nauna na nilang sinibak sina Richard Jeter at Doug Thomas.
- Latest
- Trending