Chiefs, lady tigresses may pinatunayan

MANILA, Philippines - Lumutang ang husay ng NCAA champion Arellano University sa men’s divison upang samahan ang UST na kampeon sa women’s class sa pagta­tapos ng 15th Nestea Beach Volley Championships Metro Manila Leg kahapon sa First Asia Institute of Technology and Humanites (FAITH) sand court sa Tanauan City.

Nakitaan sina Lozada at Salvador ng tibay ng dib­dib at magandang pagtu­tulungan tungo sa 21-18, 21-19, panalo laban sa mas pinaborang UST na bi­nuo nina Henry Pecana at Mark Alfafara upang makopo ang kauna-unahang Nestea title sa unang pag­lahok sa torneo.

“Mas maliit kami kum­para sa kanila pero hindi namin iniisip ito dahil laban lang kami. Lalo pa kaming magsasanay para sa Bora­cay at naniniwala akong kaya naming manalo roon,” ani Chiefs coach at na­tional player Sherwin Meneses.

Pinawi naman nina Lady Tigresses Maruja Ba­naticla at Judy Ann Cabal­lero ang kalungkutan ng paaralan nang magtambal sa 21-12, 21-18, panalo laban kina Wensh Tiu at Kim Fajardo ng La Salle.

 Hindi man nanalo ay nakausad din ang UST men’s team at La Salle women’s pair sa Finals sa Boracay na gagawin mula Abril 19 hanggang 21.

Nakahabol naman sa huling tiket patungong Boracay sina Alvin Avila at Carl Ian dela Calzada ng FEU at Angela Benting at Ma. Paulina Soriano ng Adamson nang angkinin ang ikatlong puwesto sa kanilang dibisyon.

Ang mga koponang na­banggit mula Metro Manila ay sasamahan ng mga nagsipagpanalo sa idinaos na Luzon, Visayas at Mindanao qualifiers sa Finals para makabuo ng 12 koponan na maglalaban-laban para sa titulo at ang P100,000 unang gantimpala.

Show comments